Wednesday, June 8, 2011

Sa Gitna ng Mga Pahina (Imaginaccion XII: Existentia short story)

“Ang sa kindat ng buwan ay mistulang ginto
Sa kutya ng araw ay nagiging tanso
Sa bagay ay sayang,
Ang ganda na sana…”



-Onofre Pagsanghan (Ginto at Tanso)
___

Maraming klase ang milagro. Para sa ibang tao, ang mga “himala” ay karaniwang ganito: maari kang manalo sa loto, o bigla na lamang matunaw ang kanser sa atay mo, o kahit yung simpleng bagay na hindi mo inaasahan gaya nang hangaan ka rin ng taong hinahangaan mo. Sa katunayan, ang mga pangkaraniwang himala sa buhay natin ay ‘yung mga pinipilit natin hindi pansinin.

Kung iisipin mo kasi, hindi kailangan ng kahit anong uri ng mahika para makita mo ang mga maliliit na bagay na maaaring makapagpabago ng inog ng iyong mundo.

Katulad ko. Kung ikukumpara mo sa mga milagrong nabanggit ko, sobrang napakaliit lamang‘nung akin. Sa bagay…isa lamang naman akong simpleng babae.

Ito ang aking kwento.

Nasa silid-aklatan ako noon, iginagapang ang aking mga daliri sa mga librong nakahanay sa istante. Nababalutan na ng alikabok ang ilan, ngunit ito ay hindi ko alintana; ang atensyon ko ay nakatutok sa mga titulong nadaaanan ng aking paningin. Kimika, pisika, heometriya…aghambuhay. Tumigil ako at marahang hinatak ang aklat—at napatigil nang isa pang kamay ang dito’y dumampi.

“Ay, sorry. Kukunin mo ba?”

Napatingin ako sa nagsalita at kunut-noong inalala ang pangalan niya…si Mar, kamag-aral ko sa aghambuhay. “Oo sana eh,” wika ko. “Pero sandali lang naman, ipapa-photocopy ko lang. Gusto mo sabay ka na sakin? Tutal pareho naman tayo ng assignment eh.”

Agad siyang umiling. “Hindi, sige, ikaw muna.”

“Okey. Bahala ka.” Nagkibit-balikat ako—ganito talaga itong si Mar, kadalasang nag-iisa, may sariling mundo. Minsan nga ay niloloko siya ng iba kong kamag-aral na mas nanaisin niya pang makisama sa kanyang mga likhang-isip niyang kaibigan kaysa sa mga tunay na tao.

Patalilis na sana ako nang makita kong hinatak ni Mar ang libro ng heometriya. Isang misteryosong ngiti ang sumibol sa kanyang mukha habang palihim na inilagay ang isang piraso ng papel sa gitna nang makakapal na pahina ng nasabing tomo.

“Ano ‘yun?”

Daglian niyang isinara ang aklat at muli itong inilagay sa istante. “Isang paraan ko upang mapasaya ang iba.” Ikiniling niya ang kanyang mukha, halatang nalilibang sa aking pag-usisa. “Gusto mong makita?”

Muli akong nagkibit-balikat. “Kung pwede,” sambit ko—wala namang masama hindi ba? Isang marahang tawa ang kanyang pinakawalan, sabay lakad palayo sa mga istante, palayo sa akin.

“Wirdo,” bulong ko. Gayunpaman, tiningnan ko pa rin kung ano ang isinuksok niya sa aklat.

Isang tula.

Ilang minuto akong naparalisa sa aking kinatatayuan, paulit-ulit na binabasa ang maikling piyesa. Hindi ganoon kalalim, hindi ganoon kababaw, ngunit bawat parirala ay tatagos sa masinsin na kawalang-interes na marahil ay bumalot na sa akin dulot ng pang-araw-araw na nangyayari sa aking buhay. Hindi ko alam na mahilig palang gumawa nang ganito si Mar; hindi naman kasi halata sa kanya, kahit na sabihing mukha siyang napakalalim na tao.

sdadfasd
Ito ang aking kwento. Ito ang aking milagro.
Simula noon ay palagi na lamang akong naglalakad-lakad sa aklatan, pasumalang pumipili ng mga makakapal na libro at matiyagang inuusisa ang mga pahina. Kakatwa nga lamang dahil natatagpuan ko ang mga tula sa halos lahat ng aking paboritong mga aklat.

“Sana’y nagugustuhan mo,” minsa’y nabanggit sa akin ni Mar sa klase, habang kami’y sumisipi ng bagong leksiyon. Napaigtad ako sa kanyang sinabi, at ngumiti lamang siya sa aking naging reaksiyon.

Hindi ko alam kung bakit sumilay din ang isang ngiti sa aking mukha. Mabilis ang lahat ng kaganapan—tila naging normal na lamang sa amin ni Mar ang maghintayan sa aklatan, at sabay naming babasahin ang mga tulang kanyang nilikha. Umuupo kami sa malamig na lapag, sumasandal sa mga istante habang nakikinig sa isa’t isa. Mas gusto kong siya ang nagbabasa sa mga tula niya, habang ako nama’y nakadantay lamang sa kanyang balikat…

Medyo kakatwa, pero tila isa itong himala para sa kanya. Kahit kalian ay hindi binubuksan ni Mar ang kanyang mundo kahit kanino man; isa siyang napakapribadong tao. Ang mga isinusulat niyang tula ang nagsilbing portal upang mailabas niyang lahat nang gusto niyang sabihin…at nakahanap siya ng isang taong makakaintindi sa kanya—ako. Isa rin itong milagro para sa akin dahil habang ako’y nakikinig, tila ako’y hinahatak niya palayo sa mga mabibigat na problemang ibinabagsak ng mundo sa aking mga balikat…kahit sandal lamang. Inililigtas niya ako.

Ito ang aming kuwento. Ito ang aming milagro.

Ngunit napapaisip ako minsan…marahil sinasabi ko lamang ito dahil masaya ako. Minsan, isang mapanglaw na hapon, pumuslit ako sa aklatan upang makipagkitang muli kay Mar. Isa pang tula ang kailangan ko noon, isa pang panandaliang pagtakas mula sa mga problema. Matagal akong nakayukyok sa malamig na sahig, nakikinig sa pintig ng sarili kong puso habang yakap-yakap ang aklat na sa unang pagkakataon ay walang kalakip na tula.Ilang oras ang dumaan, ngunit hindi dumating si Mar. Gayundin ang nangyari kinabukasan, at sa mga ilang araw pang lumipas. Ni hindi rin siya nagpapakita sa mga klase namin.

Ngunit patuloy akong naghintay. Araw-araw sa aklatan, pasulyap-sulyap sa orasang tila nanundyo, yakap-yakap ang pag-asang magbabalik si Mar upang muli akong iligtas. Napapaisip din ako kung kailan ako naging ganito kahina—bakit dumedepende ako sa kanyang tinig? Marahil ay nasanay na ako na nandito siya…
Ilang linggo siyang nawala, at alam kong may nagbago na nang muli siyang magpakita. Nagkatagpo kaming muli habang ako’y gumagawa ng takdang-aralin sa aghambuhay sa isa sa mga upuang nagkalat sa labas ng paaralan.

“Pasensiya na’t nawala ako nang matagal,” ang kanyang unang mga salita.

Tumango lamang ako, nagpakita ng isang huwad na ngiti at binalikan ang aking takda.

Napabuntong-hininga siya. “Hindi kasi pwede eh…alam mo na…”

Oo alam ko, sabi ko sa aking sarili.

“Naghintay ka ba?”

Isang ngiti ang muli kong isinagot. Wala nang kumibo sa amin pagkatapos noon.

“Mar!” Isang boses nang lalaki ang tumawag sa kanya. Hindi siya tumugon dito. Nararamdaman kong nakatitig siya sa akin, pinagmamasdan marahil ang magiging reaksyon ko sa aking naririnig…

“Mar!”

Hindi pala ito ang aking kuwento. Hindi pala ito ang aking milagro. Isa lamang akong simpleng babae…

“Mar…Marielle naman, sana tumingin ka diba?”

…at siya ay isang simpleng babae rin.

Humahangos ang lalaki nang marating ang kinaroroonan namin. Nagpalitan sila ni Mar ng matatamis na ngiti, at hindi ko mapigilang tumingin sa mga kamay nilang unti-unting nagkahawak.

“Pasensya na,” sambit ni Mar sa binata. Hinarap niya ako. “May pupuntahan pa kami…kita nalang tayo sa klase mamaya ha.”

“Sige,” tugon kong marahan. Hindi ko sila pinanood habang naglakad silang papalayo sa akin.
Maraming klase ang milagro. Para sa ibang tao, ang mga “himala” ay karaniwang ganito: maari kang manalo sa loto, o bigla na lamang matunaw ang kanser sa atay mo, o kahit yung simpleng bagay na hindi mo inaasahan gaya nang hangaan ka rin ng taong hinahangaan mo. Sa katunayan, ang mga pangkaraniwang himala sa buhay natin ay ‘yung mga pinipilit natin hindi pansinin. Kung iisipin mo kasi, hindi kailangan ng kahit anong uri ng mahika para makita mo ang mga maliliit na bagay na maaaring makapagpabago ng inog ng iyong mundo.

Katulad ko. Kung ikukumpara mo sa mga milagrong nabanggit ko, sobrang napakaliit lamang‘nung akin…at iyon ay ang makapagpatuloy sa pagmamahal ng isang tao o isang bagay kahit alam mong hindi ka nito mamahalin pabalik. Mahirap, ngunit pag nakaya mo, parang isang himala na rin ito.

Hindi naman kaso sakin ang maghintay nang matagal…basta nga lang mayroong darating. Minsan, kahit dumating na siya at nalaman mong iba pala ang destinasyon niya, ang kaisa-isang bagay mong kayang gawin na lamang ay maging masaya para sa kanya.
 
FIN
__


A/N: This is one of the two stories I wrote for our literary folio, Imaginaccion XIII: Existentia, that features LGBTQ theme. I received several reactions for this piece (as well as the other, which instead of lesbian is gay), and I’m glad that our professor in our Rizal course approved of it. :)

1 comment:

  1. love et. glad, I read this again... haha *clap *clap

    ReplyDelete